Paano ba masusukat ang isang pag-iibigan? Tatagal ba ito kung hindi naman kayo magkasama sa lahat ng oras? O kaya pinaglayo ng tadhana? Posible bang mawala din kusa ang tamis ng pagmamahalan...ang init ng suyuan?
Ang MTV na ito ay kuwento ng isang masakit na paghihiwalay ng dalawang pusong nagmamahalan. Ang pagganap ni Erickson Urbano bilang Lee Barcelon para sa kuwentong MAGKAIBANG MUNDO ay maituturing kong isang napakaganda at napakahusay na pagsasalarawan ng isang pusong nangungulila. Buo at madamdamin ang bawat anggulo ng bawat eksena.
Kinuhanan ni Jimi Jurado ang video na ito sa isang iskinita ng Kuang-wu, malapit sa Shulin City at sa mismong pabrika na kanyang pinagtrabahuan. Ang unang parte ng MTV ay ang pagsasalarawan ng isang nangungulilang nilalang sa madilim at masukal na kawayanan na tanging sa gitara lang naiisatinig ang pagdadalamhati ng kanyang puso.
Ang madilim na bahagi ng kanilang pabrika kung saan nandoon ang tila naghihintay na lumang hagdanan ay siyang naging napakagandang pagkunan ng eksenang pagpatak ng luha at mistulang ang hagdanan lang ang tanging lugar para maibuhos ang sakit at lumbay na nararamdaman.
Ang MTV na ito ay mula sa direksyon ni Jimi Jurado at ang musika na ginamit dito ay isang OPMhit ni Martin Nievera at mula sa marami pang komposisyon ni Vehnee Saturno. Ang pagbibigay ng bagong mensahe ng kanta at panibagong himig nito ay isang pagpapatunay na mayroon pang awit sa likod ng isang awitin.
Narito ang MTV ng kwento ng pag-ibig ni Lee Barcelon saliw ang awiting "IKAW LANG AT AKO" na nagmula sa awiting "BE MY LADY".
Ang lirika ng awit, ang bagong areglo nito at paglapat ng boses ay gawa ni JIMI JURADO.
Wednesday, August 6, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment