Wednesday, August 6, 2008

MAGKAIBANG MUNDO

Paano ba masusukat ang isang pag-iibigan? Tatagal ba ito kung hindi naman kayo magkasama sa lahat ng oras? O kaya pinaglayo ng tadhana? Posible bang mawala din kusa ang tamis ng pagmamahalan...ang init ng suyuan?

Ang MTV na ito ay kuwento ng isang masakit na paghihiwalay ng dalawang pusong nagmamahalan. Ang pagganap ni Erickson Urbano bilang Lee Barcelon para sa kuwentong MAGKAIBANG MUNDO ay maituturing kong isang napakaganda at napakahusay na pagsasalarawan ng isang pusong nangungulila. Buo at madamdamin ang bawat anggulo ng bawat eksena.

Kinuhanan ni Jimi Jurado ang video na ito sa isang iskinita ng Kuang-wu, malapit sa Shulin City at sa mismong pabrika na kanyang pinagtrabahuan. Ang unang parte ng MTV ay ang pagsasalarawan ng isang nangungulilang nilalang sa madilim at masukal na kawayanan na tanging sa gitara lang naiisatinig ang pagdadalamhati ng kanyang puso.

Ang madilim na bahagi ng kanilang pabrika kung saan nandoon ang tila naghihintay na lumang hagdanan ay siyang naging napakagandang pagkunan ng eksenang pagpatak ng luha at mistulang ang hagdanan lang ang tanging lugar para maibuhos ang sakit at lumbay na nararamdaman.

Ang MTV na ito ay mula sa direksyon ni Jimi Jurado at ang musika na ginamit dito ay isang OPMhit ni Martin Nievera at mula sa marami pang komposisyon ni Vehnee Saturno. Ang pagbibigay ng bagong mensahe ng kanta at panibagong himig nito ay isang pagpapatunay na mayroon pang awit sa likod ng isang awitin.


Narito ang MTV ng kwento ng pag-ibig ni Lee Barcelon saliw ang awiting "IKAW LANG AT AKO" na nagmula sa awiting "BE MY LADY".
Ang lirika ng awit, ang bagong areglo nito at paglapat ng boses ay gawa ni JIMI JURADO.


HIMALA NG PAG-IBIG

"Paano kung hindi ka dumating sa aking buhay? Paano ko kaya itutuwid ang buhay kong walang kulay...at 'di alam kung ano at saan patutungo? Magiging masaya kaya ang puso kong mapaglaro, kung 'di ka dumating at tinanggap ako bilang AKO at ‘di minahal ng isang IKAW?”

Ang MTV na ito mula sa kuwento ng pag-ibig ni Jeyvhel Baquiran. Isang napakagandang kuwento na mismong si Jeyvhel din ang gumanap para magkaroon ng napakaganda at napakamadamdamin music video ang kanilang kuwento ng kanyang mahal na si Michelle Aurelio.

Sa pakikipagtulungan ni Marlon Cabansag bilang Asst. Director ni Jimi Jurado ay naging napakakulay ng bawat pagkuha ng bawat eksena. Ang mga eksena ay walang kapagurang kinuhanan sa ibat'-ibang lugar sa kabayanan ng Taipei. Ang mga kuha sa loob ng train patungong Chungli ay isa sa napakagandang subaybayan o panoorin sa video na ito. At ang eksena na bumalot sa aking damdamin ng kasiyahan para matapos ng buong pagmamalaki ang MTV na ito ay ang mga eksenang kuha sa isang parke kung saan ginampanan ni Jeyvhel ng buong husay ang kanyang parte sa video.

Isang pasasalamat din ang aking ibinibigay sa aking kaibigang si Hajji Manuel para sa kanyang husay at talento sa pagkatha ng awit. Ang mga karagdagang lirika na kanyang ibinahagi sa musika nito ay naging napaimportanteng sangkap para maging isang obra maestra ang awiting aking inilapat para sa tema ng MTV.

Ang awitin sa likod ng awiting "IKAW" ni Sharon Cuneta na likha ni George Canseco ay binigyan ko ng panibagong mensahe ang lirika at panibagong himig ang melodya. Ito ang awitin, "MAY ISANG IKAW".

KARUGTONG NG BUHAY KO



“Minsan...umiibig tayo sa di inaasahan pagkakataon. Umiibig tayo sa isang panahong walang nakakaalam kundi ang tadhana….o….sa isang sitwasyon na mismong tayo ay di maniniwala na ito ay mangyayari sa buhay...sa pag-ibig. Paano ka makakaalpas sa lalim ng damdamin o sa isang pag-iibigang di sadya ng tadhana? Kaya mo kayang tanggapin ang sakit ng pagpapaalam kung ang bawal na pag-iibigan ay kakailanganin na ng panahon na wakasan o tapusin ang pagmamahalang di kailanman maaangkin ang puso ng bawat isa?”


Ang pagsadula sa kuwento ng pag-ibig ni Rommel Sanchez sa pamamagitan isang MTV ay mahusay na ginampanan ni Alberto Calmerin. Ito'y kinuhanan sa isang parte ng Lungsod ng Shulin sa Taiwan na tanaw ang malawak na kabuuan ng probinsiya ng Taipei.

Mula sa direksyon ni Jimi Jurado kaya madamdaming nabigyan ng isang magandang pagsasadula ang kuwentong KARUGTONG NG BUHAY KO.

Ang awitin na ginamit sa MTV ay isang lumang awitin na gawa ni Cecille Azarcon at pinasikat ni Leah Salonga. Isang awitin na binigyan ng panibagong himig at ginawan ng isang obrang lirika at binigyan din ng buhay na panibagong areglo ng pag-awit ni Jimi Jurado. Binibigyan ko ng kredito ang isang sa mga kaibigan ko sa APCB, INC, si Noel Sumangil, kung saan tumulong siya sa pagbigay ng ibang detalye para matapos ang magandang mensahe ng kantang ito. "DI MAN KITA MAANGKIN" ang awitin sa likod ng isang lumang awiting PINOY na "EVEN IF".